Posibleng magkaroon ng tigdas outbreak sa susunod na taon sa bansa kung mananatiling mababa ang saklaw ng pagbabakuna, sinabi ng Department of Health (DOH).

Parehong binalaan ng World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) ang DOH sa naturang senaryo sa 2023, ani DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.

“Nagwa-warn po ang WHO at UNICEF sa atin na kailangan nating tingnan ang (The WHO and UNICEF have warned us that we need to intensi our) routine immunization dahil baka may napipintong outbreak ng tigdas sa bansa sa susunod na taon kung tayo ay are not going to do anything,” ani Vergeire sa isang press briefing nitong Martes, Oktubre 4.

Sinabi ni Vergeire na nasa tatlong milyong bata sa Pilipinas ang madaling kapitan ng tigdas.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Batay sa datos ng DOH na inilabas noong Miyerkules, Okt. 5, mayroong 450 na kaso ng tigdas at rubella ang naitala sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Setyembre 17, 2022.

“Cumulatively, cases this year is 153 percent higher compared to 178 cases reported during the same period in 2021,” sabi ng DOH sa isang pahayag.

Karamihan sa mga kaso ng tigdas at rubella ay naitala sa Calabarzon, Central Visayas, at Metro Manila, sabi ng DOH.

Upang maiwasang magkaroon ng outbreak, sinabi ni Vergeire na nakipag-ugnayan na sila sa kanilang implementing units gaya ng local government units (LGUs) para palakasin ang pagsasagawa ng routine immunization para sa mga bata.

Pinaalalahanan din ni Vergeire ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas.

“Kapag ang isang bata ay mahina ang kanyang resistensya, mahina ang immune system, maari pong magkaroon ng komplikasyon and most common complication is pulmonya at pagtatae,” saad niya.

“These are the two most common [complications] and which are the causes of children being admitted in hospitals; and the cause also kung bakit sa madalas na may mga ganitong pangyayari, namamatay po ang bata,” dagdag niya.

Ang mababang regular na saklaw ng pagbabakuna ng Pilipinas ay maaaring maiugnay sa mga lockdown na ipinataw dahil sa Covid-19 na naghihigpit sa mga magulang na mabakunahan ang kanilang mga anak. Ang isa pang kadahilanan ay ang pag-aalangan sa bakuna sa mga magulang, sabi ni Vergeire.

“Hinihikayat natin ang ating mga magulang, libre ang bakuna. Nandyan lang po sa ating mga health centers,” aniya.

“Subok na ang mga bakunang ito, dekada na po ang paggamit ng bakunang ito sa ating mga kabataan. Ito ay ligtas, epektibo, at libre na ibinibigay ng gobyerno,” dagdag niya.

Analou de Vera