Hindi nagustuhan ni Senador Robinhood "Robin" Padilla ang paggamit sa "Holy Ka'aba" bilang palamuti sa isang pet fashion show na ginanap sa isang mall sa Quezon City.
Ang Holy Ka'aba isang kubikong estruktura na itinuturing na "most sacred site" para sa relihiyong Islam, na sinasabing nilikha ni Propeta Abraham at kaniyang anak na si Propeta Ishmael para sa pagsamba kay Allah. Ito ay matatagpuan sa pinakamahalagang mosque ng mga Muslim, ang "Masjid al-Haram" na matatagpuan sa Mecca, Saudi Arabia.
Ayon sa liham ni Padilla sa pamunuan ng mall, "While the audio from the said video is proof that the contestant was acting in good faith and that there was no intention of offending anyone, we cannot undermine the fact that the act of using the blessed structure as a pet stroller had hurt the Muslim community."
"May this experience, however unfortunate, be an opportunity to widen perspective and promote understanding of various religious beliefs and practices, befitting the great intent for which this Holy structure is built."
Pinaalalahanan ni Padilla ang event organizers at pamunuan ng mall na isaalang-alang ang "social/cultural sensitivity and appropriateness" sa mga ganitong uri ng ganap.
Sa kaniyang Facebook post nitong Oktubre 4 ay muling ipinabasa ni Padilla ang laman ng kaniyang liham.
"Narito po ang aking pahayag sa insidenteng nangyari noong Oktubre 2, 2022 sa isang mall sa Quezon City ukol sa hindi tamang pagrepresenta ng banal na Ka'aba — isang pinagpalang istraktura sa gitna ng Masjid al-Haram — ay may malaking kahalagahan sa pananampalatayang Islam bilang qibla o bilang direksyon ng pagdarasal sa tuwing nagsasagawa ng pagdarasal ang mga Muslim," caption ni Padilla.
Samantala, habang isinusulat ito ay wala pang tugon o opisyal na pahayag ang event organizers o ang pamunuan ng mall.