Tiniyak ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire nitong Miyerkules sa mga health care workers (HCWs) na ipinuproseso na ng ahensiya ang P1.04 bilyon at P11.5 bilyong pondo na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon kay Vergeire, ang P1.04 bilyon na ini-release ng DBM noong Oktubre 3 lamang ay pambayad sa natitirang 55,211 unpaid Special Risk Allowance (SRA) para sa eligible healthcare workers at eligible non-healthcare workers mula Setyembre 2020 hanggang Hunyo 2021.

Samantala, ang P11.5 bilyon naman na inilabas ng DBM nitong Miyerkules lamang, Oktubre 5, ay pambayad sa 1,617,660 unpaid Health Emergency Allowance (HEA)/One COVID-19 Allowance (OCA) na sakop ng Enero 2022 hanggang Hunyo 2022.

“We are currently preparing the sub-allotment guidelines and has already informed the regional offices to prepare the necessary paperwork and documents for an expedited and quick disbursement of the released funds,” ayon kay Vergeire.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Our healthcare workers are the backbone of our healthcare system, and we have to ensure that they received their share of compensation and benefits,” dagdag pa niya.

Nabatid na kinakailangan rin ang karagdagang pondo para sa serbisyong ipinagkaloob ng mga health workers mula Hulyo 2021 hanggang sa kasalukuyan, alinsunod sa Republic Act No. 11712 o mas kilala sa tawag na “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act”.

Tiniyak naman ni Vergeire na ginagawa ng DOH ang lahat ng makakaya nito upang mapabilis ang proseso nang paglilipat ng pondo sa mga implementing units at mga pasilidad upang kaagad itong mai-release sa lahat ng eligible HCWs bago ang panahon ng Kapaskuhan.