Kahit na mahirap ang buhay at maraming hamon ang dapat harapin, hindi dapat huminto ang isang tao para makamit niya ang mga pangarap sa buhay. Sa oras na makamit ang mga ito, maaari itong maging susi upang makapagbigay ng inspirasyon sa ibang tao.

Sa pagdiriwang ng WorldTeachers' Day, kilalanin natin si Sir Reynaldo Buenafrancisca, na dating carwash boy at helper mechanic, ngayo'y isa nang public school teacher sa Mandaluyong High School.

Human-Interest

Netizen, ayaw na magbigay ng regalo sa pamilya niyang hindi marunong mag-appreciate

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita, kinailangan ni Sir Reynaldo na tumulong sa kanyang pamilya.Pang-apat siya sa pitong magkakapatid.

Grade 3 lamang ang tinapos niya dahil nagsimula na agad siyang magtrabaho sa talyer sa tulong ng kaniyang amo na si Mang Ramon Gabriel.

“Kailangan ko pong tumulong agad sa pamilya namin. Nag-stop na po ako ng pag-aaral at nag-work na po ako bilang helper mechanic. Una po nag-carwash boy pa po ako noon eh then nakapasok po ng helper mechanic— tagabili ng mga piyesa ng kotse. Tapos nagsawa po ako kasi parang routine na lang siya sa akin, magwo-work tapos uuwi. Wala nang nagbabago. Pero dahil ‘di ba nagbabago ang presyo ng bilihin pero ‘yung binabayad naman sa akin hindi naman nagbabago," saad niya.

Taong 2008, pauwi galing talyer naisipan niyang maglakad at nadaanan niya ang Mandaluyong Elementary School na kung saan nakita niya ang nakapaskil dito na nag-ooffer sa mga nais magbalik-aral sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS.

"Parang napaisip ako bakit parang nagkataon na naglakad ako noong panahon na 'yun. Sinubukan kong mag-inquire. Inalam ko ang mga kailangan at nagpatala ako para sa exam," kuwento ni Sir Reynaldo.

"Nagbasa-basa ako ng mga libro ng mga kapatid ko bilang paghahanda sa exam. Hanggang sa lumabas 'yung resulta ng exam, nakapasa ako," dagdag pa niya.

Nang makapasa, nakapasok siya sa Mandaluyong High School. Nalatepa nga raw siya ng pasok dahil kinuha pa niya 'yung resulta sa DepEd sa Pasig kaya't napunta siya sa lower section.

Taong 2009 hanggang 2017, pinagsabay ni Sir Reynaldo ang pagtatrabaho sa talyer at pag-aaral. In-adjust pa nga raw ng amo niya ang oras ng pasok niya.

"Ang ginagawa ko naman po kapag may pasok ng umaga sa school, pang hapon po ako nagwo-work. Tapos noong nagkaroon ng transition sa school, pang umaga naman ako sa kanya tapos pang hapon naman ako sa school.Kapag Sabado, whole day ako sa work," aniya.

Ganoon daw ang naging routine niya hanggang makatapos ng high school. Kuwento pa ng guro, nagpalit siya ng trabaho nang mag-kolehiyo na siya.

"Noong nagcollege naman po ako, nagpalit na ako ng work. Nag-bantay po ako ng computer shop mula first year hanggang second year college. Pero kapag Sabado po, naglilinis pa rin ako ng bahay nina Mang Ramon kasi para bang hindi na siya nawala sa system na itong pamilyang ito mabait sa akin ito," saad ni Sir Reynaldo.

"Nung 3rd and 4th year college ako, may nakilala po ako na ahead ng 1 year sa akin. Inalok ako na baka gusto ko raw mag-call center. Dito na nangyari yung ang tulog ko na lang eh 2 hours per day. Ganito setup ko hanggang makatapos ako ng college."

Samantala, ikinuwento rin ni Sir Reynaldo na hindi niya talaga pangarap maging guro. Pangarap niya raw maging isang pari.

"'Yung time na pa-graduate na ako ng 4th year high school, nasali po ako sa YMC. Iba 'yung pakiramdam kapag nasa loob ka ng simbahan. Parang ang gaan-gaan ng lahat. Kapag nagseserve ako, iba sa pakiramdam. Pero tinimbang ko po, naisip ko kapag nag-pari ako ang aaralin ko 10 years, parang igi-give mo kay God 'yung life mo, hindi ka magiging support sa family mo," kwento niya.

"So ang ginawa ko, saan ba ako makakapag-serve pa rin sa kapwa ko while serving also yung needs ng family ko. Naisip ko rin syempre ikaw gusto mo mashare 'yung buhay mo, may mga bata na mabago. ‘Di ba ang ganda ng example ng buhay mo para ibahagi sa magiging estudyante mo. Kaya naisip ko po maging teacher, nakatulong na ako sa pamilya ko, nakapagserve pa ako sa kapwa ko," dagdag pa niya.

Bilang isang guro, isa sa mga nais niya ay magkaroon ng impact sa bawat estudyanteng tinuturuan niya.

"Hindi po ako umaasa na lahat ng 40 na bata sa isang section eh mabago ko ang buhay nila. Kahit isa o dalawa lang sa kanila 'yung mabago 'yung buhay, masaya na po ako roon," saad niya.

"Gusto kong ipa-realize sa kanila na kung gaano sila kaswerte na kahit mahirap ang buhay napag-aaral pa rin sila ng kanilang magulang, na hindi nila dapat ikahiya na wala silang pagkain, pamasahe lang ang dala nila. Gusto ko po kasing mangarap sila eh."

Kuwento pa ni Sir Reynaldo, kahit ang mga dati niyang naging estudyante sa private school ay iniimbitahan siya sa mga okasyon at natatandaan pa raw ng mga ito ang mga itinuro niya.

“Shinare ko rin 'yung life ko na heto ako dati. Hindi naman ako nahihiya kasi alam ko sa sarili ko na may matutunan 'yung mga estudyante. Hindi naman masama ibahagi 'yung bagay na may matutunan sila," aniya.

Samantala, may mensahe rin siya sa kanyang mga kapwa guro ngayong World Teachers' Day.

"Hanapin po natin yung seed of goodness sa bawat estudyante po natin. Kasi kapag natouch po natin 'yun sa bawat bata kahit ano pong lesson ang ibigay natin maaalala at mararamdaman nila."

"Katulad ng may dahilan kung bakit ganito inaasal ng isang bata. Baka sa bahay hindi 'yan napapansin, kaya dito niya inilalabas. kapag nakausap natin yung bata, magbabago 'yan."