Emosyunal na nagsadya at inireklamo ng Kapuso artist at beauty queen na si Herlene "Hipon Girl" Budol sa public service program ni Senador Raffy Tulfo, ang dati niya umanong talent manager, Oktubre 4, 2022.
Inakusahan ni Budol ang dating talent manager at kaibigang nagngangalang "Elizabeth 'Elize' Estrada", dahil umano sa panloloko nito sa kaniya, kaugnay sa talent fee na aabot sa milyon ang halaga.
Nagka-engkuwentro sina Herlene at si Elize sa programa ni Willie Revillame na "Wowowin" noong ito ay nasa GMA Network pa. Siya aniya ang kusang nakipagkilala at lumapit dito upang magpatulong na baka puwede siyang hanapan ng raket, at kahit tumigbak na lamang ito ng komisyon mula sa kaniyang kikitain.
Nagtiwala umano si Hipon girl kay Elize.
Kaya lang, hindi raw ibinigay ni Elize sa kaniya ang nararapat na talent fee. Aniya, naging endorser daw siya ng isang produkto at sa araw ng photoshoot daw ay "nagkaliwaan" na sila; ibig sabihin, ay nagkabayaran na.
“Sabi niya, alam ko raw po. Pero sa akin po, hindi ko talaga alam dahil kung alam ko po yun, siyempre, kukunin ko na ang parte ko kasi pagod na pagod po ako noong araw na iyon. Pero hindi po niya sinabi sa akin na bayad na po pala,” ani Budol. Mga nasa ₱200K umano ang talent fee o TF niya rito, subalit ni isang kusing ay wala raw siyang nakuha.
Hindi lamang iyon, kung tatantusin umano ni Herlene lahat ng mga kinita niya sa product endorsement ay tinatayang aabot na ito sa milyon.
Isa pa sa mga inirereklamo ni Herlene kay Elize ay ang panghihingi umano nito ng 30% na komisyon sa kaniyang TV guestings.
Nang subuking makipag-ugnayan ng programa kay Elize, hindi umano ito makontak. Payo naman ng legal counsel ng programa, maaaring magsampa ng kaso si Herlene, ng "estafa" at "qualified theft".
Ang kasalukuyang talent manager ni Herlene ay si Wilbert Tolentino, na nagbigay ng bahay at lupa sa kaniya. Ito rin ang humubog at tumulong sa kaniya upang pasukin ang pageantry.
Samantala, sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Oktubre 4, ay nagpasalamat si Herlene kina Tulfo at Tolentino.
"Maraming maraming salamat po Senator Idol Raffy Tulfo sa pagtulong at pag-action sa aking pinagdadaanan for almost 2 years at nag-suffer po ako sa panahon ng pandemia na hindi ko man lang na pa-enjoy ang Nanay Bireng ko. Hanggang sa pag panaw niya. Walang paramdam ang dati kong manager. Puro pangako at napako lang po nangyayari!"
"Binigyan kita ng mahabang panahon para ayusin itong aberiang iniwan mo sa akin at wala kang proper endorsement mga documents at never ako nakakita ng kontrata. Kung hindi pa ako nagpursige at nag-move forward at lumapit kay Ate Madam Inutz at kay Sir Wilbert Tolentino hanggang ngayon isa po akong walang kamuwang-muwang na tao."
"Salamat Mima Wilbert Tolentino sa paggabay at inalalayan mo ang aking karera sa industriyang ginagalawan ko. Sa pagturo ng tama at sa mali. Words cannot express how grateful I am."
"Isa ito sa mga experience ko na nagsisilbing aral at itama ang dapat itama. Salamat din mga KaSquamny, KaHiponatics at KaBudol ko diyan sa pagsuporta at pagmamahal na ibinibigay n'yo rin sa akin."
Samantala, bukas ang Balita Online sa panig ng inaakusahang dating talent manager ni Herlene na si Elize Estrada.