Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na tumaas ng 153% ang mga kaso ng Measles and Rubella sa Pilipinas sa unang siyam na buwan ng taong ito, kumpara sa nakalipas na taon.

Batay sa National Measles & Rubella Data na inilabas ng DOH, lumilitaw na mula Enero 1 hanggang Setyembre 17, 2022, nakapagtala sila ng 450 kaso ng naturang mga sakit, kabilang dalawang binawian ng buhay noong Agosto at Setyembre o may case fatality rate na 0.4%.

Ayon sa DOH, mas mataas ito kumpara sa 178 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2021.

“There were 450 measles and rubella cases reported from January 1 to September 17, 2022. Cumulatively, cases this year is 153% higher compared to 178 cases reported during the same period in 2021,” anang DOH.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Ang karamihan umano ng mga kaso ay naitala sa Region IV-A na may 70 (16%); Region VII na may 61 (14%); at National Capital Region (NCR) na may 47 (10%).

Nabatid na mula lamang noong Agosto 21 hanggang Setyembre 17, 2022, nasa 68 kaso ng sakit ang naitala.

Ang mga rehiyon na may pinakamataas na bilang ng sakit na naitala sa nasabing petsa ay ang Region IV-A na may 16 (24%); Region VIII na may 12 (18%); Region VII na may 7 (10%); Region X na may 7 (10%) at NCR na may 7 (10%).

Ang Regions IVA, VIII, IX, X at XII naman ay nakitaan rin nang pagtaas ng mga kaso sa nakalipas na four morbidity weeks o mula Agosto 21 hanggang Setyembre 17, 2022.

Sa nasabing petsa rin, may lima mula sa 17 rehiyon sa bansa, kabilang ang Regions II, IVA, V, VII, at NCR ang lumampas na sa itinatakdang measles epidemic threshold levels.

Nakapagtala rin naman ang DOH ng measles clusters sa Region I, partikular sa Brgy. Caranglaan, Dagupan City, Pangasinan, at Region IX, partikular sa Brgy. Balangasan, Pagadian City, at Zamboanga del Sur.

“Nationally, 36 cases were classified as laboratory confirmed measles, while 37 cases were classified as laboratory confirmed rubella,” anang DOH.

Ang measles o tigdas ay isang nakahahawang respiratory disease na maaaring maikalat sa pamamagitan nang pagbahing, pag-ubo, at pagkakaroon ng close personal contact sa isang pasyente nito.

Kabilang sa mga sintomas ng tigdas ay ubo, runny nose, pamumula ng mga mata, lagnat at skin rashes na tumatagal ng mahigit tatlong araw.

Ilan sa mga posibleng kumplikasyon nito ay pagtatae o diarrhea, middle ear infection, pneumonia, encephalitis o pamamaga ng utak, malnutrisyon, at pagkabulag na maaaring mauwi sa kamatayan.

Samantala, ang rubella naman o "tigdas hangin" sa isang buntis ay maaaring maging sanhi nang pagpatay ng kanyang sanggol na dinadala o di kaya ay pagkakaroon nito ng birth defects.