Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga - Arestado ang isang AWOL (Absent Without Official Leave) na pulis nang matiktikan ng mga awtoridad sa Nueva Ecija kaugnay ng umano'y pagkakasangkot sa kasong murder noong 2015.

Si dating Staff Sergeant Edgar de Guzman, 52, ay nahuli ng mga tauhan ng Sto. Domingo Police sa pinagtataguan nito sa Brgy. San Isidro, Zaragoza, Nueva Ecija nitong Oktubre 3.

Isinagawa ang pagdakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Cabanatuan City, Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) Branch 24 Judge Ana Marie Joson-Viterbo, noong Pebrero 5, 2015.

Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni de Guzman, ayon kay Provincial Police Regional Office chief, Brig. Gen. Cesar Pasiwen.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Hindi na idinetalye pa ni Pasiwen ang kaso ni de Guzman.

“We will have no let-up in our campaign against wanted persons and we will keep on conducting manhunt operations to put these absconders in jail," banggit pa ni Pasiwen.

Nakapiit na sa Sto. Domingo Police Station ang akusado habang nililitis ang kaso nito.