Arestado ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang persons with disabilities (PWDs) matapos umanong sapilitang tangayin ang cellphone ng isang construction worker sa Barangay Commonwealth noong Martes, Oktubre 4.

Kinilala ng QCPD Batasan Station (PS 6) ang mga suspek na sina Adrian Buenviaje, 29, ng Barangay Payatas, Quezon City; at Cristopher Balmores, 35, ng Caloocan City.

Parehong pipi at bingi ang mga suspek, ayon sa PS 6.

Sinabi ng pulisya na dakong alas-3 ng madaling araw nitong Martes nang lapitan ang biktimang si Denver Vijuan, 40, ng Barangay Commonwealth, ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Peacock Street sa nasabing barangay. Sa kutsilyo, kinuha ng dalawa ang kanyang cellphone na nagkakahalaga ng P7,000.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Agad namang nakahingi ng tulong ang biktima sa mga pulis na rumesponde sa lugar at naaresto ang mga suspek.

Sa pagtatanong ng pulisya, kinumpirma ng PS 6 na PWD ang mga suspek matapos humingi ng tulong sa isang sign language interpreter.

Sinabi ng QCPD na ang interpreter na tumulong sa kanila ay ang sign language teacher ng mga suspek.

Narekober ng mga awtoridad ang cellphone ng biktima, kutsilyo sa kusina, at motorsiklo ng mga suspek.

Sina Buenviaje at Balmores ay kinasuhan ng robbery, anang pulisya.

Aaron Homer Dioquino