Nag-alok na si Senator Sonny Angara ng ₱300,000 na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa pinagtataguan ng riding in-tandem na pumatay kay Dipaculao, Aurora Vice Mayor Narciso Amansec, sa kanyang misis at driver nito, kamakailan.
Ang pagpapalabas ng reward ni Angara ay kasabay ng pagkondena nito sa insidente.
Si Angara ay tubong Aurora province.
"I am shocked and heartbroken that such a violent act was committed in my peace-loving home province," pahayagni Angara.
Sinabi ni Angara, walang nang nagsusulong sa paglaban sa korapsyon sa lalawigan kasunod na rin ng pamamaslang kay Amansec saPurok 1, Barangay Dibutunan nitong Lunes.
"Inaasahan natin na iimbestigahan ng maigi ng kapulisan ang insidenteng ito at maihaharap sa hustisya ang mga salarin sa maagang panahon," sabi ng senador.
Naiulat na bago ang pamamaslang, ibinunyag ni Amansec ang umano'yillegal campaign activities ng dating gobernador ng Aurora at ngayo'y kasalukuyang Vice Governor na si Jerry Noveras.
Bukod kay Amansec, napatay din sa insidente ang asawa nito na si Merlina, 61, at driver ng pamilya na si Leonard Talosa, 42, pawang taga-Brgy. Ipil, Dipaculao.
Ang mga biktima ay sakay ng kanilang sports utility vehicle (SUV) nang maganap ang pamamaril nitong Oktubre 3 ng hapon.
Iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang kaso.
PNA