Inanunsyo ng Quezon City government nitong Martes, Oktubre 4, na nagsimula itong mamigay ng 1,000 laptop sa mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya at 50 laptop sa Child Development Workers (CDWs) sa mga pampublikong daycare center sa lungsod noong Setyembre 26.

“Sa Quezon City, pinapahalagahan natin ang edukasyon kaya patuloy ang ating pagsuporta sa mga paaralan mula sa mga mag-aaral hanggang sa mga guro. Nakikipag-ugnayan din tayo sa City Schools Divisions Office (SDO) at Social Services Development Department (SSD) para masiguro natin na sapat ang suporta na ibinibigay natin sa kanila,” ani QC Mayor Mayor Joy Belmonte.

Ang nasabing 1,050 laptops ay dagdag sa 5,593 na device na nauna nang ipinamahagi sa lungsod.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na ang mga pampublikong guro ay patuloy na tumatanggap ng buwanan at quarterly allowance mula sa pamahalaang lungsod.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Noong Setyembre, natapos ng pamahalaang lungsod ang pagpapadala ng apat na Toyota Innova at 20 Avanza na sasakyan sa SDO para sa transportasyon ng mga mag-aaral sa mga aktibidad at programa sa paaralan.

Ang mga manwal ng “Handang Magbasa” ay ibinigay din sa mga magulang ng mga mag-aaral at mga CDW.

Ang Handang Magbasa ay isang programa para sa mga magulang at CDW na magtulungan at itaguyod ang kasanayan sa pagbabasa ng tatlo hanggang apat na taong gulang na mga bata na pumapasok sa Child Development Centers (CDCs).

Mahigit 450,000 mag-aaral sa lungsod ang nakatanggap ng mga gamit pang-eskwela mula noong ipagpatuloy ang mga klase noong Agosto 22, sinabi ng pamahalaang lungsod.

Idinagdag nito na ang lungsod ay nakapagtala ng 96,440 storybooks, 710,371 learning kits, 6,875,846 modules, at 430,438 hygiene kits na ipinamahagi sa lahat ng public school learners sa nakalipas na tatlong taon.

Diann Ivy Calucin