Sinimulan na ng Manila City Government ang pamamahagi ng monthly allowance ng mga senior citizen sa lungsod para sa apat na buwan, o mula buwan ng Mayo hanggang Agosto 2022.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang pondo para sa naturang monthly financial aid ay inumpisahan nang ipadala ng city government sa mga barangay chairmen at treasurer ng District 1, nitong Lunes.

Tiniyak niya na otomatiko namang susunod na rin ang distribusyon ng monthly allowance para sa mga senior citizen sa Districts 2, 3, 4, 5 at 6.

Nabatid na bawat benepisyaryo ng naturang financial aid ay tatanggap ng P2,000 o P500 kada buwan.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Bilang pakikiisa naman sa Elderly Filipino Week, nanawagan rin si Lacuna sa mga Manilenyo, partikular na sa mga kabataan, na igalang at mahalin ang mga nakatatanda.

Anang alkalde, dapat na pangalagaan natin ang ating mga magulang at mga lolo at lola sa lahat ng pagkakataon.

Paniniguro pa niya, ginagawa din ng pamahalaang lungsod ang lahat upang pangalagaan ang mga elderly citizens.

Maliban aniya sa patuloy na pagbabakuna sa mga senior citizen sa pangunguna ng Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan, ang Office of the Senior Citizens’ Affairs (OSCA) ay nagkakaloob rin ng tinapay at gatas para sa mga nag-aaplay ng senior citizen cards o IDs sa OSCA office.

“Asahan po ninyo ang patuloy na pagkalinga at pagmamahal na ipadarama natin sa Maynila para sa lahat ng ating nakatatandang Manilenyo.Muli po, happy mga minamahal naming nanay tatay lolo at lola. Mabuhay!,” mensahe pa ni Lacuna para sa mga senior citizens.

Ang unang linggo ng Oktubre ay idineklara bilang Elderly Filipino Week, sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 470, s. 1994, bilang parangal sa mahalagang papel at kontribusyon ng mga matatanda sa lipunan.