Magandang balita dahil umaabot na sa 65 ang mga bagon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na na-overhaul na.
Sa abiso ng MRT-3, nabatid na tumaas sa 65 ang bilang ng light rail vehicles (LRVs) na na-overhaul ng MRT-3 matapos na madagdagan pa ng isa noong Setyembre 28.
“MAGANDANG BALITA!Bilang ng mga na-overhaul na bagon ng MRT-3, tumaas na sa 65!” anunsiyo pa ng MRT-3.
“Tumaas na sa 65 ang bilang ng mga na-overhaul na light rail vehicles (LRVs) o bagon ng Metro Rail Transit-3 (MRT-3), matapos madagdagan ng isa pa nitong ika-28 ng katatapos na buwan,” anito pa.
Ayon sa MRT-3, sa ilalim ng overhauling, kinukumpuni at pinapalitan ng bago ang mga lumang piyesa ng mga bagon ng MRT-3.
Isinasailalim din ang mga ito sa mga serye ng system checks upang matiyak na ligtas silang ibiyahe.
Nabatid na sa kabuuan, pito na lamang mula sa 72 bagon ng MRT-3 ang nakatakdang isailalim sa general overhauling ng maintenance provider ng linya na Sumitomo-MHI-TESP.
Ang MRT-3 na bumabaybay sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nag-uugnay sa North Avenue, Quezon at Taft Avenue, Pasay City.