Hindi nakaligtas ang broadcaster-komentaristang si Percy Lapid matapos umanong pagbabarilin hanggang sa mamatay, habang nasa loob ng kaniyang kotse sa Las Piñas City, bandang 8:30 ng gabi, Oktubre 3.
Ayon sa ulat, magsasagawa umano ng online broadcast ang broadcaster sa bahay ng kaniyang anak at manugang. Subalit bago pa umano makaabot sa entrada ng BF Resort Village, sa kahabaan ng Aria Street, Barangay Talon 2 ang kotse nito, ay pinaulanan na ito ng bala ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.
Naniniwala umano ang pamilya ng biktima na may kinalaman sa kaniyang trabaho bilang mamamahayag ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Bago ang pamamaslang ay nakapagsagawa pa umano ng kaniyang programa si Lapid, kung saan binanatan niya sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Lorraine Badoy sa ginagawa umano nilang "red-tagging".
Samantala, ayon sa pulisya, hindi pa umano malinaw ang tunay na motibo sa pamamaslang sa naturang mamamahayag.
Agad namang nag-trending sa Twitter si Percy Lapid at nanawagan ng hustisya para sa kaniya ang mga netizen.
Si Percy Lapid o Percival Mabasa sa tunay na buhay ay kilalang kritiko ni dating Pangulong Duterte, at ngayon, ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
Bukod sa kaniyang pamilya, naiwanan ni Percy ang kaniyang programang "Lapid Fire" na sinusubaybayan ng marami.