Pinabulaanan ng showbiz columnist/commentator na si Cristy Fermin ang mga kumakalat na bali-balitang nakikialam umano ang ilang mga politiko sa kasong kinahaharap ngayon ng "It's Showtime" host at miyembro ng Streetboys na si Vhong Navarro, batay na rin sa ibinabalita ng iba't ibang vlogs na may kuwestyunableng kredibilidad.

Nai-cite pa nina Cristy at co-hosts ng "Showbiz Now Na" na sina Morly Alinio at Romel Chika ang isang balita mula sa pahayagan, na umano'y humingi raw ng tulong si Vhong sa mga senador na may koneksyon sa showbiz, gaya nina Senador Bong Revilla, Lito Lapid, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, JV Ejercito, at maging si Grace Poe, bilang saklolo sa mga posibleng gumipit sa kampo niya kaugnay ng mga kasong kinahaharap niya.

Ayon naman sa mga hosts, hindi umano ito totoo dahil hindi isasangkalan ng mga politiko ang kanilang pangalan para sa isang kasong ang tanging makapaghuhusga lamang ay hukuman.

Alam umano nila na walang sinuman ang nakakataas pagdating sa batas. Nai-cite pa nila ang pahayag ni Senador Bong Revilla na minsan nang nakulong dahil sa mga kasong ikinapit sa kaniya; na kung talagang may sala, mapipiit ang dapat mapiit.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

"Wala pong politiko na magsasabi ng kanilang opinyon na di naaayon sa batas," ani Cristy.

"Hindi nila kakalabanin ang hukuman."

"No one is above the law. Wala pong kahit na sino ang mas mataas pa kaysa sa batas."

Maaaring ang mga nabanggit na senador ay nakikisimpatya lamang kay Vhong dahil nanggaling sila sa iisang industriya, subalit nakatitiyak daw si Cristy na hindi sila makikialam sa kaso at hahayaan ang mas nararapat na awtoridad hinggil dito.