Pinagkalooban ng parangal ng Manila City Government ang isa sa mga top pole vaulters sa buong mundo na si Ernest John Obiena nitong Lunes.
Si Obiena ay dumalo sa regular na flag raising ceremony, na idinaos nitong Lunes, Oktubre 3, sa Bulwagang Villegas sa Manila City Hall, at pinangunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo-Nieto, gayundin ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Matapos ang flag-raising ceremony, pinarangalan at kinilala ng lokal na pamahalaan ang mga achievement ni Obiena sa world athletics.
Pinagkalooban rin siya ng city government ng P300,000 cash incentives dahil sa pagkapanalo ng 12 gold, dalawang silver, at tatlong bronze medals sa loob lamang ng walong buwan sa kanyang nilahukang European at Asian competitions.
Mismong sina Lacuna at Servo ang nagkaloob ng naturang halaga kay Obiena, na labis ang pasasalamat sa lokal na pamahalaan dahil sa naturang parangal at insentibong ipinagkaloob sa kanya.
“Alam nyo po hindi natin masukat ang karangalang dinala ni EJ sa ating bansa, lalung-lalo na po sa lungsod ng Maynila,” ayon kay Lacuna.
Anang alkalde, naglabas ang Manila City Council ng mga resolusyon upang kilalanin ang mga karangalang naiuwi ni Obiena para sa bansa.