Nagpakitang-gilas muli si Kai Sotto matapos patumbahin ng kanyang koponang Adelaide 36ers ang Phoenix Suns, 134-124, sa ikinasang NBLxNBA exhibition game sa Footprint Center sa Arizona nitong Linggo (Lunes sa Pilipinas).
Tampok sa pagkapanalo ng 36ers ang 24 na tres nito sa 43 na pagtatangka laban sa nasabing NBA team.
Kumana rin ng 35 puntos ang kakampi ni Sotto na si Craig Randall habang si Robert Franks ay nakakolekta ng 32 points matapos maipasok ang anim sa 10 na three-point attempts.
Kabilang naman sa puntos ni Sotto ang dalawang matinding dunk nito na nakakuha ng positibong reaksyon sa mga fans.
Ang naipasok din na free throw ni Sotto ang nagbigay ng 16 puntos na bentahe sa koponan, 57-41, eksaktong 6:20 na lang ang natitira sa regulation period.
Sa huling limang minuto ng laban, nakuha pa ng Suns ang abante, 82-81, mula sa jump shot ni Chris Paul sa third quarter.
Gayunman, kaagad na gumanti ang Adelaide sa pamamagitan ng isang duk ni Sotto mula sa pasa ni Mitch McCarron hanggang sa makuha nila ang 9-2 run na nagbigay sa kanila ng kumpiyansa.
Nagpakawala naman si Randall ng tatlong tres sa ikatlong bahagi ng laban kaya nakuha ng Adelaide ang abante, 105-97.
Hindi pa nakuntento, nagpakawala ng floater si Randall kaya nadagdagan pa ang dalawa ang abante ng 36ers, 10 minuto na lang sa orasan.
Nakakolekta naman ng 23 puntos si Cam Payne ng Suns habang ang teammates na sina Miles Bridges at DeAndre Ayton ay nakalikom ng tig-22 puntos.
Naka-anim na puntos at 12 rebounds naman si Paul.Nakatakdang sagupain ng Adelaide ang Oklahoma City Thunder sa isa pang NBA preseason game sa Huwebes bago sila bumalik sa Australia para sa 2022-2023 National Basketball League (NBL) season.