Inaasahang magiging epektibo na ngayong Lunes, Oktubre 3, 2022, ang inaprubahang taas pasahe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), kabilang dito ang P1 dagdag-pasahe sa mga tradisyunal na jeepney na magkakaroon na ng P12 minimum fare, at modern jeepneys na magkakaroon na ng P14 na minimum na pasahe.
Bukod pa dito, ang mga traditional jeepneys ay magpapatupad rin ng karagdagang P1.80 para sa bawat susunod na kilometro habang P2.20 naman para sa modern jeepneys.
Samantala, ang mga pampasaherong bus naman ay binigyan ng P2 na fare increase.
Nabatid na ang minimum fare para sa ordinaryong bus ay magiging P13 na, at may P2.25 na dagdag sa bawat susunod na kilometro habang ang mga air-conditioned buses naman ay magkakaroon ng P15 na minimum na pasahe at P2.65 na dagdag sa bawat succeeding kilometer.
Maging ang flagdown rates sa mga taxis at transport network vehicle service (TNVS) ay pinahintulutan rin ng LTFRB na magtaas ng P5, ngunit walang karagdagang pagtaas sa succeeding kilometers.
Dahil dito, ang bagong minimum fare para sa mga taxi at sedan-type na TNVS ay magiging P45, habang P55 naman sa mga AUV/SUV-type TNVS at P35 sa hatchback-type na TNVS.
Ayon naman kay DOTr Secretary Jaime Bautista, pinag-aaralan na rin nila ang hiling na dagdag pasahe ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), gayundin ng iba pang rail lines.
Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ni Bautista sa mga PUVs na magpaskil muna ng bagong fare matrix sa loob ng kanilang sasakyan bago sila payagang magpatupad ng bagong taas-pasahe.
Umapela rin siya sa mga commuters ng pang-unawa hinggil sa naturang tas-pasahe, na aniya ay long-overdue na.