Kamakailan lamang ay nagpaantig sa damdamin ng mga netizen ang Facebook post ng guro sa asignaturang Filipino na si T. Mecca Derla, nagtuturo sa Grade 11 ng Masbate National Comprehensive High School, at isang disc jockey o DJ ng 98.3 Spirit FM Masbate.
Salaysay ng guro, nagpasulat umano siya ng isang talata sa kaniyang mga mag-aaral patungkol sa kanilang "pinakamalungkot na karanasan sa buhay". Paraan aniya ito upang mas makilala pa niya ang mga hawak na estudyante.
Hindi naman makapaniwala ang guro nang mabasa ang karamihan sa mga nakasaad dito. Marami sa kanila ang itinuturing na pinakamalungkot na karanasan o nasaksihan nila sa buhay, ay ang pag-aaway o paghihiwalay ng kanilang mga magulang, o kaya naman ay pagkakaroon ng ibang karelasyon at pamilya ng kanilang nanay o tatay.
Para naman sa propesor, batikan at premyadong manunulat ng mga kuwentong pambata na si Genaro Gojo Cruz, bagama't maganda naman ang intensiyon ng guro sa kaniyang ginawa, paalala lamang daw na hindi lahat ng outputs ng estudyante, lalo na kung personal sa kanila at medyo sensitibo, ay hindi na dapat ibinabahagi pa sa social media.
"Pakiusap sa ilang mga guro, iwasan ang pagpo-post ng mga personal na narrative na output ng inyong mga mag-aaral sa socmed. Pakiusap po. Puwede kayong balikan ng mga student at kasuhan!" aniya.
Tinakpan ng guro ang pangalan o identidad ng mga estudyanteng nakaranas ng mga nakalulungkot na bagay na ito.
Sumang-ayon naman dito ang mga netizen.
"Totoo po. Yung tiwala na binigay nila sa teacher, nasira dahil sa pagpo-post sa SocMed."
"Hindi na muli magtitiwala ang mga estudyante sa teacher kapag ganiyan."
"Humingi kaya siya ng pahintulot?"
"Yan din po naisip ko noong nakita ko post. As a teacher, hindi pwede basta-basta mag-post ng mga outputs ng mga bata."
"Yung anak ko po Grade 1 simple handwriting output, her teacher is not allowing the parents to post it to GC. Dapat po ganun."
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang guro o maging ang DepEd tungkol dito.
Samantala, ayon sa ulat, sa datos ng Office of the Solicitor General (OSG), mahigit 100,000 kaso na may kinalaman sa pagsasama ng mag-asawa ang naitala noong 2009 hanggang 2021 gaya ng nullity of marriage, annulment, at legal separation. Wala pang latest update sa datos ngayong 2022.