Ibinasura ng Taguig City Regional Trial Court ang petisyon ng comedian TV-host na si Vhong Navarro na manatili siya sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI).
Dahil dito, anumang araw ay nakatakda nang ilipat si Navarro sa Taguig City Jail sa Camp Bagong Diwa, Lower Bicutan, Taguig City.
Sa kanyang petisyon, sinabi ng sikat na celebrity na nangangamba siya sa kanyang seguridad kung ililipat siya ng kulungan.
Tinukoy din niyang basehan ang natanggap na text ng kanyang asawang si Tanya na nagsasabing “Pasabi diyan sa Asawa mong rapist Mr. Suabi, nag aantay kami Dito sa Taguig, pakibilisan.”
Gayunman, sinabi ni RTC Branch 69 Presiding Judge Loralie Cruz-Datahan sa kanyang desisyon nitong Setyembre 29 na nabigo si Navarro na ipaliwanag ng mabuti kung bakit kailangan niyang manatili sa NBI.
Hindi rin aniya maituturing na banta ang nasabing text message bukod pa sa nabigo ang kampo ni Navarro na isama ang kopya ng SMS message sa mga iprinisinta niyang ebidensya.
Samantala, sinabi ng abogado ni Cornejo na si Atty. Howard Calleja na dahil sa nasabing desisyon ay igigiit nila ang agarang paglipat ni Navarro sa Taguig jail kung saan ito talagang dapat na makulong.
Ang nasabing korte rin ang nag-isyu ng warrant of arrest ni Navarro noong Setyembre 19 batay sa akusasyon ni Corneho na ginahasa siya ng una sa kanyang condominium unit sa Taguig City noong Enero 17, 2014.