Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlet sa kanilang lugar at tumaya para sa kanilang pagkakataong maging susunod na instant milyonaryo.
Batay sa jackpot estimates ng PCSO, nabatid na aabot na sa higit P119.5 milyon ang jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na bobolahin ngayong Linggo ng gabi.
Ayon sa PCSO, walang nagwagi sa lotto draw ng SuperLotto 6/49 noong Huwebes ng gabi, Setyembre 29, na may six-digit winning combination na 11-40-41-25-33-34 at may katumbas na jackpot prize na P110,134,645.60.
Gayunman, mayroong 16 na mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P50,000 na second prize para sa nahulaang tig-limang tamang numero.
Samantala, tinatayang aabot naman sa higit P101 milyon ang magiging papremyo sa UltraLotto 6/58 na bobolahin rin ngayong Linggo ng gabi.
Ayon sa PCSO, wala pa ring pinalad na makapag-uwi ng P97,719,913 jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na binola nitong Biyernes ng gabi, Setyembre 30, dahil walang nakahula sa six-digit winning combination nito na 53-25-30-14-18-35.
Mayroon namang 11 mananaya ang muntik nang maging instant milyonaryo matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.Sila ay nakapag-uwi ng tig-P120,000 na second prize.
Samantala, ang jackpot prize naman ng MegaLotto 6/45 ay inaasahang aabot na sa higit P13 milyon sa Monday draw, Oktubre 3.
Wala rin kasing nakahula sa six-digit winning combination nito na 32-33-31-16-03-18, na binola noong Biyernes ng gabi, kaya’t wala pa ring nakapag-uwi sa jackpot prize nito na P10,877,621.20.
Una nang sinabi ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto dahil hindi man maging instant milyonaryo, ay tiyak namang makatutulong ka sa mga kababayan nating nangangailangan.
Ang SuperLotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto6/58 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.
Ang lotto draw naman ng MegaLotto 6/45 ay tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.