Isang tricycle driver at proud na ama sa Koronadal City, South Cotabato ang pumasada nang libre bilang paraan ng pagdiriwang sa pagpasa ng anak sa kamakailang 2022 Social Worker Licensure Examination.
Isa si Jona Mae Paniza, 23, sa 2,955 sa mga bagong hinirang na social workers sa bansa at bilang pasasalamat, isang viral na tagpo ang nakunan ng isang netizen kamakailan.
Bilang proud na magulang, agad na ibinalandra ng ama ni Jona Mae na si Tatay Juven Paniza, 44, ang tagumpay ng anak sa kaniyang tricycle at libreng nagsilbi sa ilang pasahero buong araw ng Miyerkules, Setyembre 28.
Dala ng isang Facebook post tampok ang libreng sakay ni Tatay Juven, agad na pinusuan at binati ng maraming netizens ang tagumpay din ng ama.
Pagbabahagi ni Jona Mae sa Balita Online, masaya siyang maibalik sa kaniyang mga magulang ang mga sakripisyo nito sa kanyang edukasyon.
Walong taon nang nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia ang ina ni Jona Mae na si Nena Paniza, 44, habang mula elementarya, noon pa man ay aktibo na sa pamamasada ang ama para sa kaniyang pamilya.
“Bilang isang anak ng isang tricycle driver at mama ko na OFW, na ako po ay nakapasa sa board exam, sobrang saya ko po kasi lahat naman po ng narating ko ngayon ay para po ‘yun sa kanila na simula noong una ay nakasuporta sa ‘kin, sa ’ming magkakapatid,” anang licensed social worker.
Isang mensahe rin ang ipinaabot ni Jona Mae sa kaniyang proud parents.
“Ma, Pa, sa lahat po ng sakripisyo ninyo simula nung una ay nabunga na po lahat. Gusto kulang sabihin na MARAMING SALAMAT SA LAHAT LAHAT ng ginawa nyo para saming magkakapatid. ‘Di ko maabot yung mga pangarap ko ngayon kung wala kayong dalawa.
“God is really amazing kase po ‘di nya tayo pinabayaan at alam ko na kasama natin siya sa lahat ng pagsubok. Dumaan man tayo sa maraming pagsubok sa buhay pero nanatili tayong matatag sa huli. Lahat ng narating ko ngayon ay para to sainyo Mama Nena, Papa Juven, Lola Belen, John at mga kapatid ko,” buong-pusong saad ni Jona Mae.
Sa Ramon Magsaysay Memorial Colleges Marbel Inc. sa Koronadal City nagtapos ng kolehiyo si Jona Mae.