Posibleng tumestigo sa korte si dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos sa kinakaharap na kaso ng dating senador na si Leila de Lima kaugnay ng umano'y pagkakasangkot nito sa sinasabing paglaganap ng iligal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).

Ito ay nang dumating si Ragos sa pagdinig ng Muntinlupa Regional Trial Court sa isa sa drug case na kinakaharap ni De Lima nitong Biyernes ng umaga.

Si Ragos ay isa sa mga testigo ng prosekusyon laban sa dating senador.

Sa pagdalo ni Ragos sa pagdinig, inaasahan na umanong pagtitibayin nito ang kanyang pagbawi sa dati niyang testimonya na nagdidiinkay De Lima sa naturang kaso.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Noong Abril ng taon, gumawa ng sinumpaang salaysay si Ragos na nag-uurong sa kanyang testimonya laban kay De Lima at sinabing pinilit lamang umano ito ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na tumestigo laban sa senador.

Nauna nang kinumpirma ng prosekusyon at ng defense panel na inatasan ni Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara si Ragos nitong Huwebes upang tumestigo sa kaso.

Gayunman, inihayag ni Senior Assistant Prosecutor Darwin Cañete na nagharap ng motion for reconsideration ang prosekusyon na humihiling na huwag munang isalang sa witnessstand si Ragos dahil umano sa health at security risks.

Dati nang ibinunyag ni Ragos na idiniliber nito ang P10 milyong umano'y halaga ng drug money sa bahay ni De Lima sa Parañaque noong Nobyembre at Disyembre 2012. Aniya, tinanggap umano ni Ronnie Dayan, dating bodyguard ni De Lima, ang nasabing pera.