Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Kongreso na isaalang-alang ang realignment ng P150-million confidential funds ng Department of Education (DepEd).

Ito, matapos niyang kuwestiyunin ang pangangailangan para sa ganoong kalaking pondo para sa isang sibilyang ahensya na naatasang magsulong ng edukasyon, hindi ang mga alalahaning panseguridad na siyang pinakalayunin ng mga confidential at intelligence funds.

“Hindi lang namin kukwenstyunin. Mag-attempt kaming i-amend it. Siguro ilipat natin sa program or activity na directly related to education,” anang mambabatas sa isang pahayag, Biyernes.

Sinabi ni Pimentel na ito ang unang pagkakataon na humiling ang DepEd ng confidential funds.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi rin ng dating Senate President na ang DepEd, na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte-Carpio, ay maaaring panatilihin ang P150 milyon ngunit idiniin na "dapat itong gamitin upang suportahan ang basic education program."

Ito ay sa pagpuna niya kung paano lumala ang sistema ng edukasyon sa bansa nitong mga nakaraang taon.

“If you want to retain the funds within the agency, then it should be transferred to programs directly related to basic education,” dagdag niya.

Ngunit sinabi ni Pimentel na ang minorya, na kinabibilangan ni Senador Risa Hontiveros, ang magdedetermina kung irealign ang pondo sa loob ng ahensya o ililipat ito sa ibang ahensyang nangangailangan ng karagdagang pondo.

Nakikita rin ng Senate chief fiscalizer at chairman ng PDP Laban ang pangangailangang tanggalin ang mga confidential intelligence funds (CIFs) na inilapag sa ilalim ng Office of the Vice President na nagkakahalaga ng P500 milyon para magbakante ng ilang puwang sa pananalapi para sa mga kinakailangang programang panlipunan at kalusugan ng gobyerno. .

Binanggit niya bilang halimbawa ang kahilingan ng Ombudsman para sa karagdagang pondo upang palakasin ang kampanya nito laban sa katiwalian.

Sinabi ni Pimentel na ang mga confidential at intelligence fund ay “prone to abuse and discretion.”

“Generally speaking, we discourage the allocation for CIFs, primarily because these are lump-sum funds and, secondly, the auditing is very minimal,” ani Pimentel.

“Sa Medium-Term Fiscal Framework ng Marcos administration, sinabi nila ang goal nila ay ‘growth-inducing expenditures.’ Is that a growth-inducing expenditure? Let’s be consistent with our public posturing,” pagpupunto niya.

Mario Casayuran