Hinarang ng prosecution panel ang pagtestigo sana ng dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Rafael Ragos sa pagdinig sa kaso ng dating senador na si Leila de Lima kaugnay ng umano'y pagkakasangkot sa paglaganap ng iligal na droga sa National Bilibid Prison (NBP).

Sa panayam sa telebisyon, ipinaliwanag ng abogado ni De Lima na si Atty. Filibon Tacardon na hiniling ng panig ng taga-usig sa hukuman na pag-aralan muli ang kautusan nitong payagang sumalang sa witness stand si Ragos upang panumpaan ang pagbawi nito sa kanyang testimonya na nagdadawit kay De Lima sa kaso.

“Kaya lang kagabi (Huwebes), nakatanggap daw ang hukuman ng isang motion for reconsideration, isinampa ng panel of prosecutors at ang kanilang kahilingan 'wag muling paupuin si deputy director Ragos,” ayon sa abogado.

Ayon sa kanya, binigyan sila ng korte ng limang araw upang masagot ang motion for reconsideration.

Metro

Barangay tanod na nagseselos, 'sinamurai' ang canteen helper; patay!

Nakatakda umano iresolba ang nasabing mosyon sa susunod na pagdinig sa Oktubre 28 at Nobyembre 4.

“Ang narinig namin kanina mula sa kanyang abogado na si Atty. De Castro, nagsalita sa hukuman kanina sinabi niya ay meron daw health reasons at security risk na kinakaharap ang kanyang kliyente,” sabi ni Tacardon nang tanungin ang naging dahilan ng prosekusyon sa paghahain ng mosyon.

Noong Abril, binawi na ni Ragos ang alegasyon nito laban kay De Lima na nag-deliver siya ng P10 milyong drug money sa bahay nito sa Parañaque noong Nobyembre at Disyembre 2012.

Gayunman, hindi pa ito pinanumpaan ni Ragos sa Muntinlupa Regional Trial Court na lumilitis sa isa sa drug case laban kay De Lima.