Hindi nagustuhan ng komunidad ng De La Salle University (DLSU) – Manila kabilang ang student body at ilan pang LGBTQ organizations sa labas ng unibersidad ang naging cross-dressing incident sa isang pep rally noong Miyerkules, Setyembre 28.
Tatlong araw bago ang muling pagbubukas ng UAAP men’s basketball tournament ngayong Sabado, Setyembre 30, agaw-eksena sa TikTok ang ilang tagpo sa taunang Athlete’s General Assembly and Animo Rally ng Green Archers.
Bilang bahagi kasi ng tradisyon, cross-dressing ang tila nakuhang tema ng grupo para magbigay-aliw dahilan para agad na tumawag ito ng atensyon sa komunidad.
Sa burado nang Facebook post ng University Student Government President na si Giorgina Escoto, kinastigo nito ang tila pagsasawalang-bahala ng pagtitipon sa matagal nang ipinaglalabang #SafeandInclusiveDLSU.
"Yes, you are free to dress however you want. Pero hindi source of entertainment ang gender expression ng mga tao. Not when so many people still face discrimination for it,"mababasa sa isang Facebook post.
Hindi rin pinalagpas ng unang Gender Equality and Empowerment Commissioner ang insidente na aniya’y nakadudurog bilang bahagi ng LGBTQ community.
“As a queer student, our identities are something we choose, something we form, and something we have always fought for within the community,” ani Commissioner Moira Pulumbarit sa isang Facebook post.
Paninindigan niya, patuloy na tututulan ng komunidad ang kaugnay na mga isyu.
“Seeing the pep rally yesterday and how this frustrated, hurt, and angered many students including myself, shows how we have a long way to go as we create an inclusive environment here within the university,” aniya.
"Hindi katawa tawang bagay ang pinaglalaban ng komunidad namin," pagdidiin pa ng opisyal.
Umabot rin sa University of the Philippines (UP) Babaylan ang kontroberysal na isyu.
Dito, muling ipinunto ng organisasyon ang lalim ng usapin.
“Our gender expression is not a joke — not when many of us are discriminated against, harassed, and even killed by staying true to who we are. Our reality is not a laughing matter,” mababasa sa Facebook post ng UP Babaylan.
Nagpaabot din ng pakikiisa sa pagkundena sa insidente ang grupo na anila’y insulto sa hinahaharap na mga suliranin ng LGBTQI community.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya sa social media ang ilang estudyante ng DLSU sa nasabing isyu.
Samantala, wala pang pahayag ang pamunuan ng DLSU kaugnay ng usapin.