Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes, Setyembre 29, na walang puwang ang mga kriminal sa lungsod.

"Hindi porke’t babae ang nakaupong mayor ay pupuwede na ang kalokohan ninyo sa Maynila,” pahayag pa ni Lacuna nitong Huwebes.

Ayon kay Lacuna, habang ang mga kababaihan ay kadalasang sinasabihan na mahina, ang nais naman niya ay kamay na bakal ang umiral laban sa lahat ng uri ng kriminalidad sa lungsod.

Binigyang-diin pa ng kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila na walang puwang ang mga kriminal sa lungsod.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Nanindigan pa si Lacuna na ang isang lungsod na malaya sa kriminalidad ay susi sa pag-unlad, dahil marami ang mga negosyanteng magtatayo ng negosyo dito.

Magreresulta rin aniya ito sa pagkakaroon ng mga trabaho na tuloy-tuloy sa pag-unlad ng isang lungsod.

Kumpiyansa rin si Lacuna na ganito rin ang saloobin ni Manila Police District (MPD) Director PBGEN Andre Dizon, at gagawin nito ang lahat upang maitaboy ang lahat ng elementong kriminal sa labas ng Maynila.

Tiniyak pa ni Lacuna na susuportahan niya ang MPD sa abot ng kanyang makakaya.

Nabatid na maliban sa monthly allowance ng 5,000 MPD personnel, hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga pribadong kumpanya na mag-donate ng mobile cars, motorcycles at iba pang kagamitan na makakatulong sa gawain ng mga kapulisan.