Nasa moderate risk na sa Covid-19 ang National Capital Region (NCR) bunsod nang pagtaas ng mga naitatalang bagong kaso ng impeksiyon sa rehiyon nitong nakalipas na dalawang linggo.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire nitong Huwebes na ang mga bagong kaso ngCovid-19kada araw sa bansa ay may average na 2,334 mula Setyembre 22 hanggang 28.
Ito aniya ay mas mataas ng 2% kumpara sa nakalipas na linggo at 7% naman kumpara sa nakalipas na dalawang linggo.
Nasa 13 na rin umano mula sa 17 lungsod at munisipalidad ng NCR ang nasa moderate risk sa ngayon.
"We have this growth rate na tumaas nung September 22-September 28, we already have an average of 2,334 cases here in the country. Ito po ay 2 percent higher from last week. At pag kinumpara natin from last 2 weeks ago naman, it’s 7 percent higher,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa teleradyo.
“So ‘pag tinignan po natin unti unting tumataas, NCR now is at moderate risk dahil 13 out of 17 cities and lone municipality in NCR ay nasa moderate risk din ngayon,” dagdag pa ni Vergeire.
Aniya pa, lahat ng lugar sa bansa ay patuloy na mayroong hospitalization rates na mas mababa sa 50%, habang nasa apat o limang lugar aniya sa NCR ang nakapagtatala ng pagtaas, ngunit hindi tinukoy kung anu-anong lugar ang mga ito.
“Meron lamang pong apat o lima na lugar sa NCR kung saan nakitaan natin na medyo merong pagkapuno ang kanilang mga hospitals sa kanilang ward,” aniya pa.
Tiniyak naman ng health official na binabantayan at patuloy nilang minu-monitor ang mga pagamutan na nakikitaan nang pagtaas ng mga kaso ngCovid-19.
Nakipagpulong na rin umano sila sa mga local government units (LGUs) sa rehiyon at mga hospital administrations sa NCR upang ilipat ang mga mild at asymptomatic cases ngCovid-19para ma-decongest ang mga pagamutan.
Dagdag pa ni Vergeire, ilan sa mga tinitingnan nilang mga dahilan nang pagtaas ng mga bagong kaso ng sakit ay ang pagtaas ng mobility ng mga tao dahil sa pagbubukas ng mga paaralan, gayundin ang hindi pagpapabakuna ng ating mga kababayan at pagkabigong tumalima sa health protocols.