Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko nitong Huwebes na patuloy na istriktong tumalima sa mga umiiral na Covid-19 health protocols kung dadalo sa mga pagdiriwang na may kinalaman sa papalapit na Kapaskuhan.
Ito’y upang maiwasan ang posibleng pagkalat pa ngCovid-19infections sa bansa.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, dapat pa ring palagiang magsuot ng face masks sa lahat ng pagkakataon, partikular na kung magtutungo sa matataong lugar at kung mayroong panganib na magkaroon ng close interaction.
Paalala pa ni Vergeire, ang virus ay nananatiling kasama pa rin natin at marami pa ring mga kababayan natin ang dinadapuan ng karamdaman.
“Gusto lang natin magpaalala sa ating mga kababayan, lalong lalo na parating na ang Kapaskuhan at dito na tayo nagkakaroon ng mga parties nagkakaroon tayo ng group activities [and] company outing because of the celebration of Christmas. Sana po lagi nating tatandaan ang virus ay kasama pa rin natin marami pa rin pong nagkakasakit. Marami pa rin pong vulnerable sa atin lalong lalo na ang nakakatanda,” pahayag pa ni Vergeire, sa isang pulong balitaan.
Umaasa rin si Vergeire na magpapatupad ang mga kumpanya at mga establisimyento ng requirement na ang lahat ng mga taong dadalo sa pagdiriwang ay dapat na fully-vaccinated, partikular na kung ito’y isasagawa sa isang kulob na lugar.
Apela pa niya sa mga mamamayan, “Tayo po sana ay magdoble ng pag-iingat.Lagi po nating titingnan, kung ang sitwasyon ay nararapat para tayo ay magkaroon ng mga ganitong activities and always remember the safety protocols na meron tayo para po hindi na dumami pa yung magkakasakit ngayong paskong darating.”