Siyam na bagyo pa ang inaasahang papasok sa bansa hanggang Disyembre ngayong taon.
Sa isang public briefing nitong Huwebes, sinabi ni Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) Administrator Vicente Malano, dalawa hanggang apat na bagyo ang posibleng pumasok ng bansa sa Oktubre, dalawa hanggang tatlong bagyo naman ang inaasahang hahagupit sa Nobyembre at inaasahan naman ang dalawa pa nito sa Disyembre.
"So nasa 6 hanggang 9 pa itong taon na ito," banggit ng opisyal sa mga mamamahayag na dumalo sa nasabing pagpupulong.
Inilabas ni Malano ang babala matapos bumayo ang Super Typhoon 'Karding' sa malaking bahagi ng Luzon nitong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.
Aniya, naitala ng ahensya ang tig-apat na super typhoon noong 2020 at 2021.
Ngayong taon aniya, tatlong super bagyo lang ang pumasok na sa Philippine area of responsibility (PAR), kabilang na ang bagyong 'Karding.'
Nagtataglay aniya ng malakas na hangin ang super typhoon na hanggang 185 kilometers per hour.
"Mayroon ho tayong tinatawag na impact-based forecasting. Dati rati po kasi tinitingnan lang din po natin kung ano iyong lakas ng ulan, lakas ng hangin. Sa ngayon po, tinitingnan na po natin kung ano iyong epekto ng lakas ng ulan, lakas ng hangin doon sa isang area," dugtong pa ni Malano.