Usap-usapan ngayon sa social media ang social media post ng customer na si Deserie Tuason matapos niyang ireklamo ang nabiling lechon sa isang lechon house sa Bacolod, na nagkakahalagang ₱5,999, subalit payat daw umano ito at mukhang ininit lamang.
Ayon sa ulat, inireklamo ni Tuason ang nabiling lechon na kukunin niya sana noong Setyembre 24.
Nagbigay raw ng mensahe ang lechon house na Setyembre 22 pa lamang ay puwede na itong kunin.
Akusasyon ni Tuason, masyado raw payat ang lechon at mukhang ininit lamang para sa kanila.
Ayon sa kaniyang caption na nasa wikang lokal, "Yung 5,999 mo na lechon ganito lang… Minessage kita ng 22 kung ready to pick up na ang lechon tapos ininit niyo lang pala ang lechon na binigay niyo sa amin ng 24. Ito lang talaga ang laman and sinabihan ka na walang taba yung baboy! Edi wow! Ngayon ko lang nalaman na wala palang taba ang baboy ahaha. Isang lechonan po ito sa sum ag. Yung binigay sa amin ay mangitim-ngitim na at kiniskisan lang. Hindi niyo ba binantayan yung lechon?!”
Agad namang tumugon ang inireklamong may-ari ng lechon house na si Linda Mendoza. Aniya, walang dayaang naganap dahil ganoon daw talaga kanipis ang lechon dahil Bisayang lechon ang inorder ni Tuason; isa pa, ibinigay naman daw nila ang kasamang valenciana at spaghetti na anila ay kasama talaga sa package.
Habang isinusulat ito ay hindi na mahagilap ang Facebook account at viral post ng nagreklamong customer, subalit marami na ang nakapag-screengrab nito at kumalat na sa social media.