Nakatakda nang buksan muli sa publiko ang Bagong Manila Zoo.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang reopening ng New Manila Zoo ay isasagawa sa Nobyembre 15.

Sa isang ambush interview nitong Miyerkules, Setyembre 28, sinabi ng alkalde na napapanahon ang muling pagbubukas ng pasyalan dahil  nalalapit na rin ang panahon ng Kapaskuhan. 

Gayunman, ang nasabing muling pagbubukas ng zoo ay hindi na libre.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Tiniyak naman ng alkalde na bibigyan pa rin ng diskwento ang mga Manileño, senior citizens at persons with disability (PWDs).

Kaugnay nito, sinabi rin ni Lacuna na ang Manila City Council, sa pamumuno ni Vice Mayor at Council Presiding Officer Yul Servo-Nieto, ay maglalabas ng isang ordinansa na gagabay sa regulasyon ng Manila Zoo.

Sa ilalim ng rates na ipinanukala ng parks and recreations bureau and Zoo director na si Pio Morabe, ang admission fee para sa mga Manileño ay P150 habang ang hindi naman residente ay P250.

Mas mababa pa rin aniya ang naturang entrance fee kung ihahambing sa ibang mga zoo. 

Aniya, isasapinal pa nila ni Morabe at ng city council ang halaga ng entrance fee para sa mga persons with disability at senior citizens.

Samantala, ang planong one-day ‘free pass’ para sa senior citizens ay tuloy din tulad ng libreng movie passes na kanilang nakukuha sa mga  theater operators sa lungsod.

Sinabi rin ni Morabe na ang mga bibisita sa New Manila Zoo ay maaaring mag- register at magbayad online upang makaiwas sa overcrowding sa pagbabayad sa  payment booth sa zoo.

Kabilang naman sa mga highlights sa zoo ay ang bird shows, renovated playgrounds,  interaction sa malalaking mga ahas, elephant, zebras at iba pa.

Binanggit din ni Morabe na nasa proseso na sila ng pag-import ng mas marami pang hayop para sa kanilang zoo kung saan may mga  first-class glass enclosures upang mabigyan ang mga bisita ng pagkakataong mas makita ang mga hayop nang malapitan.