Muling bubuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration sa bansa sa Nobyembre 2022, sakaling tuluyan nang maisapinal ang pagpapaliban sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) elections.
Ang pahayag ay ginawa ni Comelec Chairman George Garcia matapos na aprubahan na ng Senado at ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ipagpaliban ang BSKE sa Disyembre 4, 2023.
“Kung hindi po tayo matutuloy ng election sa December 5, 2022, tayo po ay magpaparehistro ulit ngayong November 2022 up to June of 2023,” ayon kay Garcia, sa isang panayam sa radyo nitong Miyerkules.
Sinabi ni Garcia na sa pagtaya ng poll body, aabot pa sa pito hanggang siyam na milyong botante ang hindi pa nakakapagparehistro para sa BSKE elections, kabilang ang mga botante na may expired na o ang registration ay na-deactivate.
Paliwanag pa ni Garcia, ito ang dahilan kung bakit tataas ang gastusin kung sakaling maipagpaliban ang eleksiyon sa susunod na taon.
Tiniyak naman ni Garcia na nananatiling handa ang Comelec na idaos ang eleksiyon ngayong taon, anuman ang mangyari.
Ang BSKE ay nakatakda sanang idaos sa Disyembre 5, 2022.