Usap-usapan ngayon sa social media ang mga litrato ng tinaguriang "Majasty" na si Maja Salvador kasama ang isa sa mga leading men ngayon ng ABS-CBN na si Richard Gutierrez, na kuha umano sa shooting ng isa sa mga aabangang teleserye ng Kapamilya Network: ang "Iron Heart".
Isang "Marga Amarila" ang nag-post na kuha umano ito sa Dalaguete, Cebu.
Matatandaang umalis sa poder ng Kapamilya Network si Maja nang mapabilang sa defunct-musical noontime show na "Sunday Noontime Live" ng Brightlight Productions at TV5 noong 2020-2021, kasama sina Piolo Pascual, Catriona Gray, Donny Pangilinan, at Jake Ejercito.
Pagkatapos ay napabalita ang pagtatayo nila ng "Crown Artist Management" ng fiance na si Rambo Nunez, kung saan sila na ngayon ang nagma-manage sa career nina John Lloyd Cruz, Miles Ocampo, Jasmine Curtis-Smith, at iba pa.
Nagkaroon din siya ng teleserye sa TV5 na "Niña Niño" kasama si Noel Comia, Jr.
At ang latest panggulat nga ni Maja ay nang maging Dabarkads siya sa "Eat Bulaga" noong Oktubre 2021. Isinama niya rin dito ang alagang si Miles.
Pumirma ulit si Maja sa TV5 para sa isa pang serye, at sa kasalukuyan ay umeere dito ang sitcom niyang "Oh My Korona".
Marami naman ang natuwa sa posibleng pagbabalik ni Maja sa kaniyang pinagmulang mother network na namimiss na ang kaniyang pag-arte, kung totoo man ang tsikang ito.
Ang huling teleseryeng ginawa ni Maja sa Kapamilya Network ay ang "The Killer Bride" noong 2019, bago mawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Ngunit sa lahat ng mga serye ni Maja, tumatak talaga sa publiko ang "Wildflower" noong 2017, na muling mapapanood ngayon sa Netflix.
Markado rin ang pagganap niya bilang "kabit" sa "The Legal Wife" kasama sina Angel Locsin at Jericho Rosales noong 2014.
Napabilang din siya sa nagtapos na "FPJ's Ang Probinsyano" bilang matalik na kaibigang pulis ni Ricardo Dalisay (Coco Martin).
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Maja o ng ABS-CBN tungkol dito.