Arestado ang isang magkapatid na babae matapos na mahulihan ng halos ₱7 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa San Mateo, Rizal nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Rizal Police Provincial Office (RPPO) Director PCOL Dominic Baccay ang mga suspek na sina Diadema Babasa, alyas ‘Kikay,’ na umano’y isang high value target, at Betty Babasa, alyas ‘Bet,’ kapwa residente ng bayan ng San Mateo.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Batay sa ulat ng RPPO, nabatid na dakong alas-8:00 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa isang buy-bust operation na ikinasa ng mga tauhan ng San Mateo Municipal Police Station, katuwang ang Rizal Provincial Intelligence Unit (PIU), sa 31 Rozal St., Bgry. Gulod Malaya, San Mateo.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t tinarget ang mga ito sa isang operasyon.

Kaagad namang binitbit ang mga suspek sa presinto matapos na makumpiskahan ng isang bag at walong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.026 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng₱6,979,520, gayundin ang₱3,000 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang mga suspek ay kapwa nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay nito, pinuri ni PCOL Baccay ang naging matagumpay na operasyon ng mga tauhan at tiniyak na ang mga kapulisan ng Rizal ay lalong magsisigasig upang mahuli ang mga taong patuloy na tumatangkilik at nagbebenta ng iligal na droga dito sa probinsya.