Isang lolo ang patay nang malunod habang nagdiriwang ng kanyang kaarawan kasama ang kanyang mga kaibigan sa tabing-ilog sa Tanay, Rizal, sa kasagsagan nang pananalasa ng super bagyong 'Karding' noong Linggo ng gabi.
Ang biktimang ay nakilalang si Arthur Panes, 65, residente ng Brgy. Tinucalan, Tanay, Rizal.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, nabatid na ang bangkay ng biktima ay nadiskubreng palutang-lutang sa Lanatin River, na matatagpuan sa Barangay Cayabu, Tanay ng mga testigong sina Charlie Cierto at Kagawad Junel Buenaventura, dakong alas-8:30 ng umaga nitong Lunes.
Nauna rito, dakong alas-8:00 ng gabi ng Linggo, Setyembre 25, habang kasagsagan ng pananalasa ng super bagyong Karding, ay masayang nag-iinuman ang biktima at mga kaibigan sa tabing ilog sa Brgy. Tinucalan, upang ipagdiwang kanyang kaarawan.
Gayunman, nang malasing ay naisipan umano ng biktima na magtungo sa ilog, na noon ay malakas na ang agos dahil sa bagyo.
Maya-maya ay napansin na lamang umano ng mga bisita ng biktima na hindi pa ito bumabalik kaya’t kaagad nila itong hinanap ngunit hindi natagpuan.
Kaagad nilang inireport sa mga opisyal ng barangay ang pagkawala ng biktima ngunit bangkay na ito nang matagpuan kinabukasan.