Lumipad na patungong Egypt na si Binibining Pilipinas Intercontinental 2022 Gabrielle Basiano para hangarin ang back-to-back win sa prestihiyusong international pageant ngayon taon.

Nitong Lunes, Setyembre 26, umalis na ng bansa ang Borongan, Eastern Samar beauty queen, halos isang linggo lang matapos ang kanilang send-off event.

Basahin: 3 int’l pageants, aarangkada sa Oktubre; Herlene, nanawagan ng suporta para sa queen sisters – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Dedepensahan ni Gabrielle ang kasalukuyang titleholder at kapwa Pinay na si Cinderella Obenita sa darating na Oktubre 14 sa bansang Egypt.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Suot ng beteranang pageant queen ang isang modern Filipiniana attire na pinaresan ng brown skirt.

Agaw eksena naman ang iconic nitong salakot na matatandaang naging usap-usapan at trending na tampok sa kaniyang winning evening gown noong Binibining Pilipinas 2022 finale.

“Muli nating ibabandera ang watawat ng Pilipinas sa Miss Intercontinental! ❤️ Ang laban na ito ay hindi lang para sa akin, kundi para sa lahat ng samabayanang Pilipino. Mabuhay ang Pilipinas!” mababasa sa Facebook post ng beauty queen, Lunes.

Samantala, namataan namang nakipagpulong kay Consul Dr. Amin Shaaban ng Egyptian Embassy ang kasalukuyang Pinay titleholder na si Cindy bago tumulak sa Egypt.

Kung maipapanalo ni Gabrielle ang korona, siya na ang ikatlong Pinay na mag-uuwi ng titulo kasunod ni Karen Gallman noong 2018 at Cindy nito lang 2021.