Nakikiramay si dating Vice President Leni Robredo sa pamilya ng limang rescuers na namatay sa kasagsagan ng Super Typhoon "Karding" noong Linggo, Setyembre 25.
"Nakikiramay ako sa mga mahal sa buhay ng limang rescuers ng PDRRMO Bulacan na nagbuwis ng kanilang buhay sa kasagsagan ng #KardingPH," saad niya sa kanyang tweet nitong Martes, Setyembre 27.
Binigyang-pugay niya ang mga nasawi na nagbuwis ng kanilang buhay sa isinagawang rescue operations sa lalawigan ng Bulacan.
"Pagpupugay at pasasalamat, George, Troy Justin, Marby, Jerson, at Narciso Jr., para sa giting at sigasig na ipinakita niyo hanggang sa huli," aniya.
"Sa pagkilala sa kanilang kabayanihan, idinidiin ng pagkakataong tulad nito na mahalaga ang suporta para sa rescuers at disaster response workers, na humaharap sa panganib para sa ating kaligtasan. Kaisa ako sa panawagang masiguro ang kapakanan nila at ng kanilang mga pamilya," dagdag pa ng dating bise presidente.
Ayon sa mga ulat, ipinadala ang limang biktima sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa San Miguel upang magsagawa ng rescue operations sa binahang lugar.
Kinilala ang mga biktima na sina George E. Agustin, 45, ng Ina O Este Calumpit; Troy Justin P. Agustin, 30, ng Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartolome, 36, ng Bulihan, Malolos; Jerson L. Resurreccion, 32, ng Barangay Catmon, Sta Maria; at Narciso Calayag ng Malolos City.
Ayon sa mga inisyal na ulat, hindi nakarating sa malalim na tubig baha ang trak na sinasakyan ng mga biktima kaya’t pinili nilang gumamit umano ng bangka.
Gumuho umano ang pader ng Gulf Gasoline Station sa Barangay Camias sa isinagawang rescue operations na naging sanhi ng pag-agos ng tubig baha na naging sanhi ng pagkalunod ng mga biktima.
Basahin:https://balita.net.ph/2022/09/27/chel-diokno-nakiramay-sa-5-rescuers-na-pumanaw-sa-bulacan/" target="_blank">https://balita.net.ph/2022/09/27/chel-diokno-nakiramay-sa-5-rescuers-na-pumanaw-sa-bulacan/