Aabot sa mahigit₱112 milyon ang paunang halaga na kakailanganin ng pamahalaan para sa pagkukumpuni ng mga paaralang napinsala sa pananalasa ng super bagyong Karding sa ilang panig ng Luzon noong Linggo ng gabi.

Batay sa preliminary assessment report na inilabas ng Department of Education (DepEd) Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS), nabatid na hanggang alas-12:00 ng tanghali nitong Lunes, aabot sa 20 paaralan ang nagtamo ng infrastructure damage dahil kay ‘Karding.’

Ayon sa DepEd, ang mga naturang paaralan ay matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR).

Samantala, nasa 12,174,549 mag-aaral rin mula sa 21,509 paaralan ang naapektuhan ng bagyo, kabilang na ng suspensiyon ng klase.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Mayroon rin anilang 107 school divisions na naapektuhan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, NCR, at CAR.

Iniulat pa ng kagawaran, na kabuuang 327 paaralan ang ginamit bilang evacuation centers, kabilang ang 259 na hanggang ngayon ay tinutuluyan pa rin ng mga evacuees.