Target ng Commission on Elections (Comelec) na magsimula sa pag-imprenta ng mga balota para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Huwebes, Setyembre 29, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Martes, Setyembre 27.
Sa isang press briefing, sinabi ni Garcia na tutungo siya sa National Printing Office (NPO) at ilalagay ang secret marking ng mga balota para sa BSKE.
“We already instructed the Deputy Executive Director for Administration, the Deputy Executive Director for Operations, and the Education and Information Department Director including more particularly, our Executive Director to separate the Memorandum of Agreement (MOA) for the printing of the ballots and the warehousing of the ballots,” dagdag niya.
Noong Sabado, Setyembre 24, nilinaw ni Garcia na ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa iskedyul ay para sa isang window para amyendahan ang MOA ng Comelec kasama ang NPO.
Paliwanag niya, ang dahilan kung bakit na-move ng isang linggo ang pag-imprenta ng balota ay nang makausap nila ang NPO, nag-alok sila na sa halip na dalhin ang mga balota sa ibang lokasyon, pananagutan nila ang pag-iimbak nito.
Nakatakdang mag-print ang Comelec ng higit sa 91 milyong balota para sa BSKE.
Pagsapit ng Huwebes (Sept. 29), sinabi ni Garcia na sa umaga kapag nai-embed na niya ang secret marking at napirmahan ang MOA, maaari na silang magsimula sa pag-imprenta. Sinabi niya na mag-iimprenta sila ng tatlong milyong balota kada araw.
Nauna nang sinabi ng Comelec na hindi nito mapipigilan ang paghahanda para sa BSKE.
“Hindi kami pwede huminto sa paghahanda para sa BSKE. Unless may pirmadong batas na ilalabas…Kailangan kami magpatuloy sa paghahanda para pagdating ng December 5, naka-all systems go kami,” paliwanag ni Comelec Acting Spokesperson John Rex C. Laudiangco.
Dhel Nazario