Tinatayang nasa 1,175 pamilya na sinalanta ng Bagyong Karding sa Jomalig at Patnangunan, Quezon, at Dingalan, Aurora ang nakatanggap ng P5,000 at P10,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Lunes, Setyembre 26.

Ang pamamahagi ng tulong na ito ay ginanap sa pagbisita ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, Undersecretary for Disaster Response Management Group Marco M. Bautista, at Undersecretary for Operations Group Jerico Francis L. Javier sa mga nasabing munisipalidad upang masuri ang lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo.

Ayon sa ahensya, P5,000 cash assistance ang naipamahagi sa 475 pamilya sa Dingalan, Aurora.

Namahagi din ang DSWD-Field Office III ng 2,000 family food packs at 618 bottled water bilang augmentation support sa lokal na pamahalaan ng Dingalan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Bukod dito, iniulat ng DSWD ang hindi bababa sa 400 apektadong pamilya sa Jomalig at mahigit 300 na iba pa sa Patnanungan, Quezon.

Pitumpung bahay sa Patnanungan ang lubos na nasira habang 72 ang bahagyang nawasak, dagdag ng ahensya.

“Secretary Tulfo led the provision of financial assistance worth P5,000 to each household with partially-damaged houses and P10,000 each for households with totally-damaged houses in both island towns,” anang DSWD.

“Currently, the Department has already provided more than P1.4 million worth of augmentation assistance to affected areas in Regions II, III, and V,” dagdag ng ahensya.

Hanggang alas-6 ng gabi, ang DSWD ay may mahigit P1.1 bilyong halaga ng standby at stockpile na pondo para sa mga relief operations sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations nito.

Mula sa halagang ito, mahigit P186 milyon ang nasa DSWD Central Office at Field Offices, aniya.

Mayroon ding 78,485 family food packs na nakaimbak at handang ipamahagi mula sa DSWD National Resource Operations Center at Visayas Disaster Resource Center.

Gayundin, 248,032 family food packs ang naka-standby sa DSWD Field Offices sa mga rehiyon I, II, III, Calabarzon, Mimaropa, V, National Capital Region, at Cordillera Administrative Region.

Binanggit ng departamento na patuloy na pinapaalalahanan ang mga apektadong indibidwal na sundin ang mga tagubilin ng kani-kanilang mga lokal na executive upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa kabila ng mas magandang kondisyon ng panahon at bago bumalik sa kanilang mga tahanan.

Luisa Kabato