Sa pinakahuling pagtataya ng state weather bureau, inaasahang lalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang Bagyong Karding, mamayang gabi ng Lunes, Setyembre 26.

Dagdag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nananatiling nakataas ang Signal no. 2 tropical cyclone warning sa western section ng Pangasinan, at northern portion ng Zambales.

Umiiral naman ang Signal No. 1 sa mga lugar ng La Union, nalalabing bahagi ng Pangasinan, southern portion ng Benguet, nalalabing bahagi ng Zambales, at northern portion ng Bataan, Tarlac, Pampanga, at western portion ng Nueva Ecija.

Huling namataan ang Bagyong Karding sa layong 190 km kanluran ng Dagupan City sa lakas na 140 kph, at bugsong aabot sa 170 kph. Patuloy itong gumagalaw sa direksyong timog-kanluran sa bilis na 20 kph.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Kasalukuyan namang nagpapakawala ng tubig ang isang gate ng Ipo Dam matapos na umakyat sa mahigit 101 meter sa normal nitong water level.

Nanatiling maalon at delikado sa maliliit na sasakyang pandagat ang baybayan ng La Union, Ilocos Sur, Pangasinan, Zambales at Bataan kaya’t ipinagbabawal pa rin ng mga awtoridad ang paglalayag.

Bukod sa bagyo, patuloy ding nagpapaulan sa ilang panig sa bansa ang nahahatak na hanging habagat at local thunderstorm. Dahil dito, sa mga susunod na oras, asahan pa rin ang mga pag-ulan sa bahagi ng Cagayan Valley region, Cordillera, Central Luzon, MIMAROPA, at Bicol.

Uulanin din ang ilang panig Visayas at Sulu, maging ang Metro Manila.

Pagsapit ng hapon, asahan din ang maaaring pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa.

Ngayong alas-11 ng umaga muling maglalabas ng panibagong update ang PAGASA ukol sa pagkilos ni Karding at sa umiiral na lagay ng panahon sa bansa.