Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa mga lalawigang labis na naapektuhan ng super typhoon Karding, na nanalasa nitong Linggo, Setyembre 25.
Makikita sa Facebook page ni PBBM ang isinagawa nilang aerial inspection, partikular sa lalawigan ng Bulacan, Nueva Ecija, at Tarlac.
"Tayo ay kasalukuyang nagsasagawa ng aerial inspection sa Bulacan, Nueva Ecija, at Tarlac #KardingPH," ayon sa caption.
Sa isa pang hiwalay na Facebook post, ibinahagi ng pangulo ang kanilang isinagawang pulong para sa situation briefing, na isinagawa sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nasa Camp Aguinaldo.
"Kaninang umaga ay nagsagawa tayo ng isang situation briefing at presscon sa opisina ng NDRRMC sa Camp Aguinaldo upang pulungin ang bawat kawani ng mga ahensya tungkol sa sitwasyon sa bawat lugar na naapektuhan ng Bagyong Karding."
Kasaman aniya sa pulong sina DND OIC Jose Faustino Jr., DOH OIC Maria Rosario Vergeire, DSWD Sec. Erwin Tulfo, DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., DOE Sec. Raphael Lotilla, DICT Sec. Ivan John Uy, PMS Sec. Ma. Zenaida Angping, SAP Sec. Antonio Lagdameo Jr., DOST Usec. Sancho Mabborang (Usec. for Regional Operations), PNP Deputy Chief for Administration PLTGEN. Jose Chiquito Malayo, AFP Chief of Staff Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, at OCD Administrator Usec. Raymundo Ferrer.
Sa isa pang Facebook post, ipinakita ang sitwasyon ngayon sa Nueva Ecija at Aurora. Aniya, bagama't kitang-kita ang ilang mga lugar na may baha pa rin, minimal lamang daw ang pinsala sa mga imprastraktura, pampubliko man o pampribado.
"After our aerial inspection today, we found some areas that are still inundated with water. Nueva Ecija and Aurora are without power. We are sending gensets now."
"But generally, the damage to public and private infrastructure is minimal. Government services are almost at full function.
Main road thoroughfares are passable, communication is up and running," ayon sa caption.