Bawat isa sa limang volunteer-rescue personnel ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nasawi sa baha sa bayan ng San Miguel sa kasagsagan ng Super Typhoon “Karding” ay dapat saklawin ng insurance na may pinakamababang halaga na P100,000 at iba pang mga benepisyong kompensasyon.

Ito, kung gagawing batayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Order No. 64 series of 2021, na nilikha para protektahan ang mga disaster volunteer alinsunod sa Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Nagsasagawa ng rescue operation ang Bulacan volunteer-rescuers para iligtas ang mga stranded na residente sa Brgy. Camias nang biglang bumagsak ang isang pader sa kanilang bangka noong Linggo ng gabi, Setyembre 25.

Ang mga rescuer, na lumipat lamang sa bangka dahil sa depekto ng kanilang trak, ay tinangay ng malakas na agos ng tubig, at kinaumagahan lamang nang matagpuan ang kanilang mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar sa nayon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinilala ang mga biktima na sina George Agustin, Troy Justin Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag.

Ayon sa NDRRMC memorandum order na inilabas noong Hunyo 8, 2021, ang mga volunteer mobilizing organizations (VMOs) ay “pangunahing responsable para sa kaligtasan at kapakanan ng lahat ng kanilang mga disaster volunteers.” Ang mga VMO ay tumutukoy sa mga organisasyon tulad ng mga ahensya ng gobyerno at mga local government units na may accredited community disaster volunteers (ACDVs).

Bahagi ng pagsisikap na protektahan ang mga disaster volunteers ay ang pagkakaloob ng personal accident insurance na may minimum coverage na P100,000, anang memo.

“[A]t a minimum, this insurance must include coverage for accidental death or dismemberment, permanent disability, and hospitalization cost reimbursement,” mababasa rito.

Bukod pa riyan, ang mga regional at local DRRM councils ay dapat ding magbigay ng compensatory benefits sa mga disaster volunteers na kinabibilangan ng burial assistance kung sakaling sila ay mamatay. Ang halaga, gayunpaman, ay depende sa pagpapasya ng mga lokal na konseho ng DRRM.

Tiniyak ni Bulacan Gov. Daniel Fernando sa mga naulila na pamilya ng mga biktima na ang lahat ng benepisyong inilaan para sa kanilang mga mahal sa buhay ay ibibigay ng pamahalaang panlalawigan, bagaman walang anumang halaga ang maaaring pumalit sa buhay ng mga magiting na volunteer-rescuers.

Nangako rin si Fernando na magbibigay ng personal na tulong-pinansyal sa pamilya ng mga nasawing rescuer at gayundin ang pagsasaayos ng burol ng mga biktima.

“On behalf of the province of Bulacan, I whole-heartedly thank and honor the heroism that they exemplified in the fulfillment of their duties, to the extent that they sacrificed their lives,” anang gobernador.

Martin Sadongdong