Pinagkalooban ng Manila City Government ng mga hard hats ang mga mahistrado ng Court of Appeals (CA) na magagamit nila sa lindol at nangakong marami pang ibibigay ito.

Nauna rito, kamakailan lamang ay humingi ng tulong ang mga associate justices na Carlito Calpatura at Maria Elisa Sempio Diy, kapwa ng Court of Appeals mula kay Mayor Honey Lacuna sa pamamagitan ni city administrator Bernie Ang, kaugnay ng pananggalang sa ulo na kanilang magagamit sakaling tamaan muli ng lindol ang bansa.

Sinabi ni Ang nitong Lunes na bilang tugon at sa utos ng alkalde, ang pamahalaang lungsod ay nagbigay sa mga justices ng 100 piraso ng  hard hats.

Ang mga ito ay dinala sa tanggapan ng kanilang disaster risk reduction management.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Personal na tinanggap nina Presiding Justice Remedios A. Salazar-Fernando, Associate Justice Apolinario Bruselas, Jr., Associate Justice Fernand Lampas-Peralta, Associate Justice Ramon A. Cruz, Associate Justice Maria Elisa Sempio Diy, Associate Justice Louie Acosta, Associate Justice Ronaldo Roberto Martin at Associate Justice Carlito B. Calpatura ang mga hard hats at nagpasalamat ang mga ito kina Lacuna, Vice Mayor Yul Servo-Nieto at Ang sa pagpapakita ng malasakit sa kapakanan ng mga justices.

Nabatid na mismong si Lacuna, kasama sina Servo at Ang, ang naghatid ng mga hard hats tanggapan ng appellate court.

Ayon kay Lacuna ay bibigyan din ng parehong uri ng hard hats ang Supreme Court justices para magamit nila sa lindol.   

                                   

Sinigurado ng alkalde sa mga justices na ang kanyang administrasyon ay nakahandang magbigay ng lahat ng kailangang tulong para sa proteksyon ng mga justices at ng kanilang mga kawani.

Dahil nasa ilalim ng territorial jurisdiction ng Maynila ang Supreme Court at Court of Appeals ay nararapat na mabigyan ito ng pansin ng lungsod, ayon kay Lacuna.