Usap-usapan ngayon ang isang "fake Twitter account" na nakapangalan sa social media personality na si "Jam Magno" matapos nitong hanapin si dating Vice President at ngayon ay chairperson ng "Angat Buhay Foundation" na si Atty. Leni Robredo, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding nitong Linggo, Setyembre 25, 2022.
Ibinahagi ng mga netizen sa Twitter ang mga tweets ng account na nakapangalan kay Jam Magno (@ItsJamMagno) na may 76.7K Followers subalit hindi naman verified account.
Gayunman, ang orihinal na Jam Magno pa rin ang "nakakaladkad" at tila pinagbubuntunan ng mga netizen.
Mababasang nagkomento ito sa naging trending na hashtag na #NasaanAngPangulo dahil sa paghahanap ng mga tao kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.
"Ayan na naman sila, nasaan daw ang pangulo. Naka-ready na po ang ating mga Government Agencies especially NDRRMC, DSWD, PCG, PNP at LGU," ayon sa tweet noong 6:06 ng gabi, Setyembre 25.
Dito ay nagsunod-sunod na ang tweet kaugnay sa bagyo, at dito na nabanggit ang pangalan ni Robredo.
"So hinahanap ngayon ng mga Kakampanget yung pangulo nilang si Leni."
"Leni lumabas ka, magparamdam ka, pinaghahanap ka na ng mga junakis mo. Alam kong nag-reready ka nang mag-credit grab at mag-photo ops."
"Nakalabas na yung bagyo wala pa rin si Leni on the ground, akala ko ba lagi siyang nauuna on the ground? Yan ang lider ng mga Kakampanget puro salita, puro tweet, puro coordinate, walang action kaya ayaw sa kanya ng mga tao."
"CONFIRMED. DSWD, LGU, PCG, AFP, PNP ANG NAUNA ON THE GROUND HINDI SI LENI, HINDI ANG ANGAT BUHAY. STOP CREDIT GRABBING. PERIOD," ayon pa sa tweet.
Samantala, nauna nang sinabi at nilinaw ni Jam Magno na siya ang nagmamay-ari ng naturang Twitter account noong buwan ng Abril, sa kasagsagan ng kampanya.
Pinatulan ng mga netizen ang sinabi sa fake account na hinahamon nito si Robredo ng isang debate, at kailangang Inglesan ito.
"Sa totoo lang po, yung fake Twitter account ay hindi na po bago. The fact na you make me trend kahit hindi ko Twitter account, hindi ko na talaga alam kung ano sasabihin ko sa inyo," saad ni Magno sa isang video na ipinost niya sa Facebook.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/04/30/ilang-netizens-pinatulan-ang-pahayag-ng-fake-twitter-account-ni-jam-magno/">https://balita.net.ph/2022/04/30/ilang-netizens-pinatulan-ang-pahayag-ng-fake-twitter-account-ni-jam-magno/