TUGUEGARAO CITY -- Naka-red alert na ang Office of Civil Defense Region 2 (OCD) at mahigpit na babantayan ang mga coastal areas ng Cagayan at Isabela sa pananalasa ng Super Bagyong Karding.
Sa ulat mula sa Cagayan Provincial Information Office, sinabi ni Michael Conag, ang Information Officer ng OCD, ang "No Sail Policy" sa lahat ng coastal areas na sakop ng mga lalawigan ng Cagayan at Isabela upang maiwasan ang anumang maritime incidents dahil sa bagyo.
Kasalukuyang itinaas sa Signal No. 2 at Signal No. 1 ang katimugang bahagi ng Isabela at Cagayan, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Idinagdag din ni Conag na handa na ang mga food at non-food packs na ipapamahagi.
Ganun din ang mga partikular na evacuation center para sa mga maaring tamaan at maapektuhan ng Super Bagyong Karding.
Bagama't wala pang ginawang pre-emptive evacuation, tiniyak ni Conag na nakahanda na rin ang mga evacuation center sa mga lugar na posibleng tamaan ng mapaminsalang bagyo.