Naging panauhin sa "Bawal Judgmental" segment ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga" si Tatay Edgardo o "Gary", ang mister sa mag-asawang kinaantigan ng damdamin ng mga netizen, matapos ibahagi ang kanilang mga litrato ng photographer na si Aneza Cayme ng A.Cayme Photography, dahil sabay silang nagtapos ng elementarya sa ilalim ng Alternative Learning System program (ALS) ng Department of Education, kahit may edad at anak na sila.

"Ang mag-asawang sina Edgardo Dela Torre at Rochelle Dela Torre, ng Brgy. Ablayan Dalaguete, Cebu ay sabay na nagtapos sa elementary sa ilalim ng Department of Education’s Alternative Learning System noong September 6, 2022," ayon sa caption.

“Silang dalawa ay may mataas na pananaw na makapagtapos ng pag-aaral upang mabigyan nila ng magandang buhay ang kanilang mga anak, gaano man kahirap ang maaari nilang madaraanan."

"Silang dalawa ay patunay na hindi sagabal ang pagkakaroon ng anak, at kahit may edad na, upang abutin ang mga pangarap sa buhay… binigyan nila ng malaking halaga ang edukasyon,” aniya pa.

Trending

Mister, gustong makitang nakikipagtalik ang misis niya sa iba

Si Edgardo na 41 taong gulang ay gumagawa umano ng hollow blocks at isang barangay tanod. Si Rochelle naman na kaniyang maybahay ay 39 anyos.

Makikitang kasama nilang umakyat sa entablado ang kanilang mga anak.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/09/13/mag-asawa-sabay-na-nagtapos-ng-elementarya-sa-ilalim-ng-als/">https://balita.net.ph/2022/09/13/mag-asawa-sabay-na-nagtapos-ng-elementarya-sa-ilalim-ng-als/

Naantig naman ang mga Dabarkads sa salaysay ng buhay ni Gary, na sinamahan ng kaniyang gurong si Roque Geoffrey Villahermos. Isinalaysay ng guro kung ano-ano ang mga naging sakripisyo ni Gary para lamang makapagtapos ng elementarya.

"Kahit siya ay gumagawa ng hollow blocks, para pambili po ng pagkain, so isa 'yun sa mga hanapbuhay niya. At marami pa po siyang hanapbuhay, humahanap po siya ng mga damo para pakain po sa mga hayop at ibinibenta niya sa kaniyang mga kapitbahay," ani T. Roque.

Gustuhin man daw ni Gary na ipagpatuloy pa ang kaniyang pag-aaral, wala naman daw siyang sapat na pera, lalo't kailangan din niyang kumayod para sa kaniyang pamilya.

Dahil dito, sinabi ng isa sa mga host na si Allan K na ang Eat Bulaga na ang bahala para sa kaniyang pag-aaral, hanggang sa makatapos siya.

"Gary, pinakinggan tayo ng Eat Bulaga… Gusto naming makita kang guma-graduate ng Junior High School at kung ano pa mang gusto mong tapusin," ani Allan K.

"Gusto naming tumibay pa yung paniniwala mo sa sarili mo. Gusto namin yung mga anak mo lalaki silang ginagalang ka. Gagawin ka nilang ehemplo na si Tatay namin, nag-aral, nag-graduate, kahit mahirap yung sitwasyon ng buhay namin," dagdag pa ni Allan K.

Naging emosyunal naman si Gary nang marinig ang magandang balitang ito mula kay Allan K.