Kinansela ngPhilippine Basketball Association (PBA) ang mga nakatakdang laro ng apat na koponan nitong Linggo dahil na rin sa inaasahang pagtama ng super bagyong 'Karding' sa Metro Manila.
Sa abiso ng PBA, sinuspindi muna nito ang laban ng Meralco at NLEX, gayundin ang Ginebra at Converge para na rin sa kaligtasan ng mga manlalaro ng mga ito.
Nakatakda sanang gawin ang salpukan ng apat na koponan sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City nitong Setyembre 25 ng hapon hanggang gabi.
Paliwanag ng PBA, kabilang ang Pasay City sa sakop ng Metro Manila na isinailalim naman sa Signal No. 3 batay na rin sa ipinalabas na weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo ng umaga.
Idinagdag pa ng PBA, itatakda pa nila sa ibang petsa ang laban ng mga naturang koponan.