Nilinaw ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo ang kautusang automatic suspension ng klase mula Kindergarten hanggang Grade 12, gayundin sa trabaho sa mga pampublikong paaralan kapag mayroong storm signals.
Sa pahayag ng DepEd, base na rin sa revised DepEd Order (DO) 37, na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte kamakailan, kapag mayroong bagyo, ang in-person at online classes, gayundin ang trabaho at Alternative Learning System (ALS) sa public schools, ay awtomatikong suspendido sa mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signals (TCWS) 1, 2 ,3, 4, o 5.
Sa kasalukuyan, nakataas ang mga naturang public storm signals sa ilang lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila, dahil sa super bagyong 'Karding.'
Sa ilalim ng department order, ipaiiral din ang class at work suspension sa Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan kapag naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngOrange o Red rainfall warning, at flood warning.
Paglilinaw ng DepEd, maaari rin namang magdesisyon ang mga local chief executives hinggil sa class suspensions kung ang kanilang nasasakupan ay nasa ilalim ng Yellow Rainfall Warning, gayundin kung malakas ang ulan sa kanilang lugar at nagkakaroon ng mga pagbaha, kahit pa hindi sila kasama sa inisyuhan ng rainfall at flood warning ng PAGASA, gayundin ng storm signals.
Matatandaang nagkaroon ng kalituhan nangunang i-upload ang naturang DO sa social media accounts ng DepEd.
Nagkaroon kasi kaagad ng suspensyon ng klase kinabukasan dahil sa nakataas na rainfall warning sa Metro Manila.
Kaagad namang ipinaliwanag ng ahensya na hindi pa epektibo ang naturang DO at kaagad na tinanggal ang kopya nito sa kanilang mga social media accounts, dahil wala pa anila itong wet signature mula sa Office of the National Administrative Registrar (ONAR).
Nitong Linggo naman, nilinaw ni DepEd spokesperson Michael Poa na epektibo na ang DO dahil muli na itong ini-upload sa kanilang website at social media pages, at naihain na rin ito sa ONAR noong Setyembre 20, 2022.