Inalerto na ang lahat ng military unit sa hilaga, timog, at kanlurang Luzon sa inaasahang epekto ng Super Typhoon “Karding,” anang Armed Forces of the Philippines (AFP) Linggo, Setyembre 25.

Inatasan ni Lt. Gen. Bartolome Vicente Bacarro, AFP Chief of Staff, ang Northern Luzon Command (NOLCOM), Southern Luzon Command (SOLCOM), Western Command (WESCOM), at lahat ng unit sa ilalim ng kanilang joint operational control na maghanda para sa posibleng humanitarian assistance at mga operasyon sa pagtugon sa kalamidad.

“We call on the public to be vigilant and cooperate with government authorities. Let us all do our part in keeping the damage low and averting casualties in the wake of this super typhoon,”  ani ni Col. Jorry Baclor, hepe ng AFP public affairs office.

Ang mga trak at tauhan ng militar ay pinakilos upang tumulong sa mandatoryong paglikas ng mga residente sa mga bulnerableng lugar bago ang inaasahang landfall ni Karding. Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa southern portion ng Aurora o hilagang bahagi ng Quezon sa Linggo ng gabi, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, naka-standby ang air at naval assets para sa deployment sa sandaling lumiwanag ang panahon para sa aerial assessment, transport, at evacuation operations.

Noong 1 p.m. bulletin, sinabi ng Pagasa na huling namataan si Karding sa layong 115 kilometro (km) silangan hilagang-silangan ng Infanta, Quezon o 76 kilometro silangan ng Polillo Islands.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras (kph), pagbugsong aabot sa 249 kph. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 29 kph.

Itinaas ang Typhoon Signal No. 5 sa Polillo Islands,extreme northern portion ng Quezon (hilaga at gitnang bahagi ng General Nakar, hilagang-silangang bahagi ng Infanta),  extreme southern portion ng Aurora (Dingalan), ang silangang bahagi ng Bulacan (Doña). Remedios Trinidad, Norzagaray), at extreme southeastern portion ng Nueva Ecija (ang timog-silangan na bahagi ng General Tinio).

Martin Sadongdong